Ang mga mall ay kaharian ng konsumerismo.
Mga mall na nagsusulputan sa kahit
anong parte ng pinas, sa patag, sa bundok, sa buhol man o kahit sa tabi ng
palayan. Ewan ko na lang kung magkaroon ng SM
Cruise, isang roro na mall. Baka mapagkamalan mo pang Mall Of Asia floating at the pacific.
Kahit sumpain mo pa ng sumpain at pakyuhan ng pakyuhan ang SM dahil sa pangcha-chop-chop nila sa mga puno ng Luneta Hill dito sa Baguio, ang isinumpa
mong mall na iyan ay ang pumupuno sa
pagitan ng pangangailangan at distansya. Sa distansya, ang ibig kong sabihin ay
kapag hindi ka marunong gumamit ng google maps lalo na kapag wala kang kotse at
hiwa-hiwalay na shop ang pamimilhan mo. Ngunit iba’t-iba ang hilig ng mga tao,
mga ilan na nakakahanap ng ginhawa sa pagtatambay sa mall at kung tawagin ay Mall Therapy. Ang tawag sa kanila ay Mall Rat. Isa itong kanluraning kolokyal
na tawag sa mga kabataan ng America na laging namamalagi sa mall. Katulad na
lamang ng palabas na Totally Spies o
kaya naman ang pelikulang Mean Girls.
Metapora marahil ang ‘Mall Rat’ sa
mga taong mahilig magpunta sa mall dahil sa katangian ng isang daga na umubos.
Oy, wala akong ipinahihiwatig diyan. Nagpapaliwanag lamang ako.
Sa isang nakababatong
hapon ng iyong araw, aircon muna sa mall ang kailangan para maglibang. Bakit
nga naman hindi? Kung nag-aantay ka ng klase o ayaw mo munang umuwi at nais mo
munang magsenti. Bakit nga ba sa mall pa at hindi na lang sa Burnham Park o para
mas sosyal, sa Camp John Hay? O kaya naman para feel na feel mo ang Baguio,
Mines View o PMA? Bakit hindi? May mall
music, mga amoy ng bagong gamit at higit sa lahat ligtas ka sa kakaamoy ng
carbon. Sa Baguio, hindi ka maglalakad papuntang mall, mag-hahike ka sa tuktok
ng SM. Baka nga mas maganda kung baguhin na lamang ang ibig sabihin ng SM at gawing
Store Mountain. Sa pagtaas mo,
makakasalubong ka ng sari-saring nanggaling sa mall:
- Mga mag-aaral na babae na
may EB o Careline perfumes. Uuwi
na nga lang ampupula pa ng labi--ay oo nga, make-up trial.
- Mga mag-aaral na lalake na
nakikipagdaldalan sa isa't-isa na may kakaibang pitch sa boses dahil
siguro hindi pa dinadalaw ng puberty.
Mga kaboses ni Atty. Niel Tupas Jr. (See Corona Impeachment)
- Magsyota na walang ibang maisip
na pagdedeyt-an kundi sa mall, kasama ang girlfriend na medyo
disappointed. Hinila-hila kasi si boyfriend sa bawat tindahan at wari ba'y
nagpaparamdam na ibilhan siya nito at niya.
- Mga nanay na working class na
may bitbit na JCo o Krispy Kreme o kung hindi naman ay mga balot ng
grocery.
- Mga Millenial Tita na may bitbit na Surplus bag o mga hip na clothing store. Plus points kung Bench o Penshoppe.
- Mga ilang puma-fashionista na
mga kabataan na sigurado kang sinadya na naman ang veranda para
magphotoshoot
- Mga turistang nagSM na lang
dahil naliligaw sa mga pupuntahan sa Baguio. Tinamad na rin dahil
pahirapan na ngang kumuha ng taxi, nakakapagod pa ang taas-babang mga
kalsada sa Baguio.
Habang papalapit ka sa
taxi lane at palapit na sa fruit stand, nagpapalit ang amoy ng usok mula sa
sasakyan at sariwang amoy ng wari'y kalikasan dahil sa prutas at sa
orchidarium. Nasa pilahan ka na paloob at kahit mahaba ay para ka rin lang
papasok dahil gumagalaw ang pila. Nasa likod mo ang mga patpating koreano.
Paglakad mo habang kinakapkapan at hinihipuan ng mga tamad na gwardiya ay
bahagya kang nakiliti kay ate. 'Uy huwag diyan.' Pagpasok mo, medyo maligamgam
ang paligid. Amoy kusina, amoy ref. Wala pa 'yan sa amoy ng kusina at ref
ninyo. Direstso titig mo sa daanan pero lahat kita mo. Kita mo mga tao, kung di
mo kasabay ay kasalubong o kaya ay nakatambay sa hilera ng Jollibee o Big City.
Magkakasama sila samantalang ikaw nag-iisa.Iniisip mo, bakit nandito ka na
naman. Wala ka namang sasadyain dito. "So what? Bakit i-iinterrogate
ba ako kung bakit ako nandito?"
Pasok ka ng Surplus,
iniisip mo na may mura kang mabibili doon. Sabagay, ang Surplus ay may tagline
na "fashion for less". Kaloka. Mukhang medyo matapobre ang SM, ah.
"Fashion for less", parang ganito ang konotasyon: "Hindi mo
kailangang bumili ng mahal sa mga mamahaling tindahan namin para panindigan ang
pagiging social climber mo". Surplus nga naman ay parang wagwag, para sa
mga estudyanteng kolehiyong katulad mo na asa sa baon pero gustong maging
ismarte. Para sa katulad mo na entry-level
ang sahod, pero kupas na mga damit mo at kailangan mo magtira para sa sunod na
inuman. Para sa katulad mo na medyo thunders na pero feeling millennial ka at
hindi mo matanggap na ang edad mo ay malayo sa edad ng mga true and certified millenial.
Para sa katulad mo na teka hindi ko alam kung sino ka o ano ka, basta para
sayo.
Umalis ka na at tinantiya
mo na kinse-minuto ang tinagal mo sa loob. "Fashion
for the less" daw, eh papaano kung nagsale pa ang Surplus,
"Fashion for the mas poor pa sa less"? Pumasok ka na sa sa may foodcourt, sari ang amoy ng umami,
matamis, maasim, oregano, tinapay, tsokolate, tomato sauce at oo, kahit amoy ng
manga. Sakto din dahil sa Atrium may
attraction ng kung anu-ano. At syempre, mawawala ba ang mga ateng na
nagpapapicture kasama ang mga maaasim na mukha ng mga bata na gusto ng maglaro
doon sa quantum o playground sa may pond. "Smile, baby! Tingin dito. Ay,
Sige ka, walang Jollibee." Mga ilang kuha lang instant profile picture o
cover photo na.
Umalis ka na at nakita
mo ang booksale sa kabila. Para sa 3 by 5 na tindahan, parang marami nang tao
ang lima, pero okay lang. Una kang tumingin sa mga bestseller pero hindi mo trip dahil mga pinandidirihan mong Twilight at Fifty Shades of Grey. Tingin-tingin ka rin sa magazines. Pagkatapos
sa mga soft bound. Wala ka rin trip kasi mga technical, mga diskurso sa
pinansyal, negosyo at kung anu-ano pa. Gusto mo yung parang philosophical, mga rare books ni Kafka o kaya Orwell dahil pretensyosong hipster ka. Lakad din
palapit sa mga hardbound. Hindi mo rin trip, Move-on sa mga pocket books na
puro Daniel Steele. Inisa-isa mo mga
libro pero ang sakit na ng leeg mo kakatangad. Tingin-tingin ka rin sa mga nagpatong-patong
na libro, 'yung mga tigbebente hanggang singkwenta. Inikot mo na ang booksale
hanggang sa coffee table books, napatagal ka doon kakatingin ng mga larawan at
umalis ka na rin.
Pagtaas mo sa siksikang
elevator, kaharap mo ang magsyotang naglalampungan na gustong-gusto mong
tusukin sa pwet dahil wari mo’y mga kiti-kiti.
Girl: “Ihh, wag, ah!
Hihi.”
Boy: “Isang kiss lang,
eto naman.Please.”
Girl: “Ihh. Dami tao,
mamaya na.”
Bwisit.
At sa likod ay mga
koreana na kahit siguro sako lang ang ipasuot mo ay maganda pa rin sa kanila.
Nakarating ka na sa second floor sa may main entrance at amoy na amoy mo ang
mala-butter na amoy ng Bread Talk. Naalala mo tuloy noong bumili ka ng Garlic Egg Bread na kasing presyo ng Valley Loaf Bread at kasabay mo ay akala
mo naman bumibili lang sa Danes na di alintana ang presyo. Hay, buhay credit card.
Ito minsan ang ayaw mo
kapag mag-isa kang nagmomalling, ‘yung may makakasalubong ka na kakilala na may
mga kasama. Minsan kahit nagso-strolling ka lang naman talaga, ayaw mong
aminin. Ayaw mong magmukhang tanga at parang kawawa, isang nilalang na sa mall
lang nakakahanap ng kaligayahan na kahit hanggang tingin at amoy lang. Ayaw
mong aminin na minsan ay ganoon kababaw ang kaligayahan mo.
“Uy, tol, gawa mo
dito?”
“Uy, musta, uhmm, ano,
kwan, sa NBS bili ng gagamiting supply.
Ikaw ngay?”
“Ah, wala, strolling lang kasama sila.” Turo sa mga
kasama niya na hindi mo kilala at nag-iisip kung ngingitian mo o kunwari malabo
na lang mata mo.
“Ay okay, sige punta na
‘ko, tol.”
“Sige, tol.”
O ayan, may dagdag
kasalanan ka na naman sa araw na ito. Bakit ba ang hirap aminin na nagso-stroll
ka lang din mag-isa sa mall kahit na hindi umuulan? Bakit?! Bakiiiiiiiit?!?!
Kung saan-saang shop ka
na nakarating at may mga ilan na rin lumalapit sa iyo na mga nakabusiness
casual. Iyong mga nagtatanong kung nasa beinte uno pataas ka na at kung meron
ka ng credit card o ano ang bank account mo. “Hindi ako mag-ooffer.” Hindi mo
rin gets at hindi mo rin natatanong kung para saan ang ginagawa nila. Survey
ba? O kaya naman wala lang, pang-identity
theft, ganoon?
Kakaiba rin ang trabaho
ng mga tao, ano? Dati ay nakakahon lang tayo sa kaalaman na mga sampung Job
Titles lang ang alam nating trabaho ng bilyon-bilyong tao sa mundo. Abogado,
Duktor, Drayber, Sekretarya, Inhinyero, Negosyante, Kolektor sa Jueteng at kung
anu-ano pa. Ngunit kung didiskubrihin mo ang mundo ng working class, mapapasabi
ka rin ng “There are million and million
possible combinations.” Isang linya sa pelikulang Imitation Game. Noong nakaraan lamang na pagbukas mo ng classified ads ng Midland ay mga kakaiba
sa nakaalaman na mga trabaho. Kunwari na lamang ay iyong ‘HIRING: Mystery Shopper’. Wow, mehn,meh ganern.
Astig siguro ang
trabahong iyon, hindi ba? Ayon sa description
ay parang eavesdropping ang task ng empleyadong ito. Makikinig sa mga komento
at lait ng mga customer sa tindahan.
Kaya huwag na kayo magtaka kung walang silbi ang comments and suggestions box.
Meron na pala, may buhay, humihinga at naglalakad pa nga, eh. Ayos iyon, ano?
Para ka palang secret agent!
Kunsabagay, ay ang panganganak ng mga ganitong trabaho ay resulta ng buhay pa
naman na ekonomiya at siyempre sa desperadong pamumuhay na ito.
Nang maikot-ikot mo na ay
binibilang mo ang mga tindahan na nagtranscend through times (kahit isang
dekada lang naman) simula noong ipinatayo ang SM. Isang paghanga mo rin na sa
panahon ng Spotify, download at pagpipirata ay nandoon pa rin ang Astroplus.
Oo, dito ka nangangalkal ng mga album ng mga paborito mong banda. Syempre,
badtrip ka rin minsan dahil tatlong daan ang album pero tatlong kanta lang ang laging
nagagasgas sa stereo o Walkman mo. Umikot ka rin sa may Cyberzone, pero anak ng
tokwa, titingin ka lang naman karabuntot ng sales talk ang mga attendants na
parang nagrerecite ng minemorize na speech
sa harap ng klase. Halata rin ang mga bago lalo kapag laging tumitingin sa taas
para maalala ulit ang minemorize na features ng gadget.
Magdidilim na at
bahagya ka rin na gutom. Snacks lang pauwe, solb ka na. Pumasok ka sa fastfood
na sumakop sa buong session road. Snacks lang, iyong mamutik-mutik nilang Yum
Burger. Okay lang kahit walang post-it. “Willing to wait?” tanong ng kahera.
Tango ka kahit sa loob-loob mo, “Willing to wait? Tignan mo naman mukha ko pilipit
na sa gutom at ang tiyan ko na nagmemetal rock na sa loob, willing to wait?
Mukha ba akong willing? Bakit, may choice pa ba ako? Bakit hindi na lang,
please wait at hindi willing? Dahil kung tatanungin mo ako ng ‘willing to wait’
at totoong sagot ang hihingin mo ay ‘Hindi Maaari!’”
Ilang minute ay
dahan-dahan mo ng inuubos ang pagkain mo. Hinay-hinay lang dahil mahirap
mabilaukan sa kalsada. Umalis ka na sa imperyo ng delikadong kombinasyon ng
konsumerismo at kapitalismo dala lamang ng pagtatanggi na isa ka rin sa biktima
at salarin nito. Ang pansamantalang ligaya ng pagiging daga.